Ang "T" Para sa Mga Ahenteng Lalaki [Ikalawang Kwento] ng Call Center Agent Confession ~ Kwentology


Kakatapos pa lamang ng dalawang linggo training. Kaya itong si Ken sabik at gusto mapaaga sa bagong napasukang call center. Malaki ang offer para sa isang tulad n'ya na baguhan pa lamang sa industriya ng BPO. Upang hindi mahirapan sa byahe mas pinili ni Ken na gamitin na lamang ang kanyang kotse na kahit may kalumaan na ay mukhang hindi naman halata. Maalaga kasi si Ken pagdating sa kotse nito.

Gaya nga ng inaasahan naiwasan ni Ken ang matinding trapik. Ang Metro Manila kahit tapat na sa gabi asahan pa rin na may matinding traffic. Kaya kahit alas-otso na ng gabi usad-pagong pa rin ang mga sasakyan. Buti na lang at alam ni Ken ang pasikot-sikot kaya naman nakahanap agad ito ng shortcut patungo sa pagtatrabahuan.

Pagdating sa loob dumeretso na agad ito sa parking lot na nasa ilalim ng building 'ding iyon. Maliban sa gwarda na nasa gate ng parking area wala ng makikitang tao sa loob. May ilang kotse din na nakaparada doon.

Medyo madilim ang sulok kung saan nakaparada ang kotse ni Ken. Pero kahit papaano maaaninag naman dahil na rin sa liwanag na nanggagaling sa ilaw sa 'di kalayuan.

Ang Unang Engkwentro

Lumabas agad ito ng kotse matapos na masigurong naigarahe ang sasakyan. Akmang hahakbang na sana s'ya ng may napansin na tila may tao sa loob ng isang kulay puting kotse na katabi lang ng kanyang sasakyan.

Isa itong babae na tila hindi maaninag ng mabuti ang mukha. Marahil dahil na din sa may kadiliman ang paligid. Sa 'di mapaliwanag na dahilan nakaramdam ng panlalamig si Ken subalit nagpatuloy na lamang ito sa paglalakad patungo sa entrance ng building upang makapagsimula na rin sa trabaho.

Ilang linggo ang nakalipas at tila nakalimutan na n'ya ang nangyari. Nagkataon namang mas napaaga ang kanyang pasok. Pero kung tutuusin grave yard pa din ang shift na nakuha n'ya. Kaya siguro kahit napaaga ito alas-3 pa rin ng madaling araw ang oras ng pag-uwi n'ya.

Siya ay Sumasainyo...

Ilan sa mga kasamahan ay nauna na. Kasabay ni Ken ay mga kalalakihan na kapwa ahente din. Pumanhik silang lahat sa elevator pababa. Gawa ngang puro lalaki, ang ilan sa mga ito ay magugulo at mukhang nagkukulitan pa.

Nang bigla na lamang naging tahimik ang paligid. Laking gulat na lamang ng lahat ng biglang may babae na naroroon din sa loob ng elevator subalit wala naman nung una.

Ang babae ay tila nakasuot ng kulay puting gula-gulanit na damit. May kalat-kalat na mantsa ng dugo ito. Pero nung mga sandaling humarap ito sa kanila, bigla na lamang nagkukumahog ang mga kalalakihan sa loob ng elevator. Para bang pilit nilang binubuksan ang pintuan ng elevator.

Nakaramdam si Ken ng takot subalit sinubukan pa din nitong tingnan ang babae. Mistulang nasa kalusnos-lunos na kalagayan ang babae. Pero ang nakakapagtaka para bang kahit saan mang anggulo tingnan hindi mo maaaninag ang mga mata nito.

Ilang segundo pa ay nagbukas din ang pintuan. Sa takot kumaripas ng takbo ang iba. Kahit ilang segundo lang iyon pakiramdam ni Ken ay halos ilang minuto din ang lumipas habang sila ay takot na takot sa loob ng elevator.

Ano Nga Ba ang Dahilan?

Ang Pagmumulto sa Elevator
Image of Ang Pagmumulto sa Elevator
Kinabukasan, ang grupo ng kalalakihan kasama na si Ken ay nagkaisa upang puntahan ang security personnel upang magrequest na mapanood ang recording sa CCTV. Malamang sa mga oras na iyun ay nakuhanan mismo ng camera ang lahat ng nangyari.

Dahil na din sa nangyari pinanood nga mismo ng mga kalalakihan ang naturang eksena. Subalit wala ni bakas ng babae ang nakuhanan sa video footage. Tanging ang kaguluhan lamang at ang mga kalalakihan ang naroroon.

Pagkatapos nilang panoorin ang video. Isa sa mga security guard ang nagsalita tungkol doon sa babae. Aniya, ang babae daw umano ay isang dating call center agent na nagtatrabaho roon. Ang kotse daw umano na nakita noon ni Ken ay kotse din mismo ng multo kung saan nangyari ang malagim na krimen.
  • Ginahasa daw umano ang babae sa loob na kotse nito at doon din nangyari sa parking area. Pumasok pa din ang babae sa trabaho kahit na ito ay ni-rape na. Pero dahil sa 'di matanggap ng babae ang nangyari, nagpakamatay ito.
  • Huling nakita ang bangkay nito doon din mismo sa loob ng kotseng kulay puti.
  • Tanging mga kalalakihan lamang ang pinupuntirya ng multo. Marahil dahil na rin sa panggagahasa na nangyari kaya hindi matahimik ang kaluluwa nito.
Sa huling pagkaka-alala ko initial lamang ng kumpanyang pinasukan ni Ken ang binigay n'ya sa amin. Ayaw din n'yang sabihin ang buong pangalan ng BPO company na ito.

Pero isang clue ang iniwan n'ya upang kami naman daw ay maging handa kung sakaling mangyari din ito.

Ang call center company na ito ay nagsisimula sa letter ''T''. Malay mo isa ka na rin sa nagtatrabaho rito.

About Author:


loves to create Science Investigative Reports. He also writes different topics and manages Kwentology.

Follow him @Kwentologist FB | Twitter @Browse10

Thank you for reading posted on the website if you want to redistribute this article please include the link as the source. Have some kuwento to share? !

Latest Posts